Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991

From Wikipilipinas: The Hip 'n Free Philippine Encyclopedia
Jump to: navigation, search

Contents

Pambungad

Ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991, na tinatawag ding Batas Republika Bilang 7160, ay isinasaad ang mga patakaran at batayang dapat isagawa ng Estado sa pamahalaang lokal upang makapagsarili ito. Isinasalin ng nasabing kodigo ang dating sentralisadong kapangyarihan sa antas ng barangay, munisipyo, lungsod, at lalawigan. Upang maisagawa ito, ang pamahalaang pambansa ay binibigyan ng karampatang kapangyarihan at responsabilidad ang pamahalaang lokal, habang pinalalakas ang kakayahan nitong mangasiwa ng mga gawain o proyekto na tinutumbasan naman ng sapat na pondong panustos.

Mahahalagang probisyon

Kabilang din sa mahahalagang aspekto ng batas ang sumusunod: Una, binibigyan ng kapangyarihan ang mga sangay ng pamahalaang lokal na magkusa at magsagawa ng pagbawi ng kapangyarihan sa mga halal na opisyal at magsulong ng referendum. Ikalawa, inaatasan ang mga pambansang ahensiya na makipag-ugnayan muna sa pamahalaang lokal bago magsagawa ng anumang proyekto o programa na maaaring makaapekto sa mga tao o pook nito. Ikatlo, binibigyan ng kapangyarihan ang bawat sangay ng pamahalaan na umiral na lawas na pampolitika at pangkorporasyon upang maisulong ang kagalingan ng lahat.

May mga probisyon ang Kodigo na nag-aatas sa pamahalaang lokal na pagyamanin nito ang kultura ng bayan; itaguyod ang kalusugan at seguridad ng mga mamamayan; linangin ang kakayahang siyentipiko o teknolohiko ng mga tao; isulong ang kabuhayan at katarungang panlipunan; at palakasin ang pambansang moralidad. Bukod dito, isinaad sa Kodigo ang mga tiyak na alituntunin sa pangangalap ng buwis at paglikha ng pagkakakitaan ng mga sangay ng lokal na pamahalaan.

Sanggunian

Peralejo, Cezar C., tagasalin. Ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991 (Batas Republika Bilang 7160). Kalookan: Philippine Graphic Arts, 1994.

Citation

Wikipinas.png

Original content from WikiPilipinas. under GNU Free Documentation License. See full disclaimer.