Nangka Marikina, Kasaysayang Bayan

From Wikipilipinas: The Hip 'n Free Philippine Encyclopedia
Jump to: navigation, search

''PAGBABALIK TANAW SA MAKASAYSAYANG BARYO NG NANGKA MARIKINA ''Ni Dionisio Adriano Dela Paz Cruz Andres


Ang Baryo ng Nangka ay matatagpuan sa dulong hilagang bahagi ng Marikina, na bumabaybay sa kalsadang patungo sa bayan ng San Mateo at Montalban(Rodriguez). Ito ay may layong anim na kilometro mula sa kabayanan ng Marikina. Hindi kaila sa mga Marikeño na ito ang pinakadulo sa 11 baryo ng Marikina. Ang hangganan o nasasakupan nito ay ang Sitio Balubad at ang iniwang riles ng tren na kung tawagin ay Daang Bakal


Nagsisilbing hangganan ng San Mateo at Marikina ang maganda at makasaysayang ilog ng Nangka, maganda sa kadahilanang ginagawa itong piknikan tuwing araw Sabado, Linggo at bakasyon. Nahuhulihan din ito ng iba’t ibang klase ng isda ng mga taga baryo.


Makasaysayan din ito dahil dito naganap noong Nobyembre 7, 1896 ang madugong labanan ng mga kawal Pilipino sa pamumuno ni Gat. Andres Bonifacio,Emilio Jacinto at mga kastila na tinawag na “Battle of Nangka River” kung saan maraming namatay na Katipunero at Kastila. Sa labanang ito muntik ng manganib ang buhay ni Gat. Andres Bonifacio ng tamaan ng bala ang kwelyo ng kanyang damit sa pagprotekta kay Emilio Jacinto. Ito ay itinuturing na una at mahalagang pagkakapanalo ng mga Rebolusyonaryong Katipunero laban sa mananakop na mga kastila.

Ito ay may nasasakupang 181.68 ektaryang lupain na dating palayan at tubuhan nuong panahon ng Kastila at bahagi ng lambak ng Marikina. Ang Baryo ay mayaman sa matabang lupa na pinagtataniman ng iba’t ibang gulay at halamang ugat.Pinagmamalaki ng nga taga Baryo ang ani dahil sobra- sobra ito sa kanilang pagkain, kaya sila’y nakakapagbenta pa sa mga karatig sitio o baryo tulad ng Bayanbayanan at sa palengke ng bayan. Ang lugar ay nakilalang Nangka simula pa noon. Ang kasaysayan kung saan nanggaling ang pangalang Nangka ay base lamang sa tatlong alamat.


Ayon sa mga matatanda ng mga lihitimong angkan dito sa baryo, na mayroong isang malaking puno ng langka( Nangka) dito sa sitio. Ang isa pang kwento, ay hinango sa pook na malapit sa ilog na tinubuan ng malaking puno ng Nangka (Langka) na kung tawagin ay “ Pasong Nangka “ na dinadaanan ng tao at kalabaw patungo sa ilog, di naglaon naging Nangka na ang tawag sa lugar pati na rin ang ilog ay tinawag na ilog Nangka. Ang pangatlo daw ay galing sa pangalan ng ilog na nagsisilbing hangganan sa bayan ng Marikina at San Mateo. Taong 1913 sa ilalim ng pamamahala ng bansang Amerika,itinayo ng Atlantic Gulf and Pacific ang isang kongkretong tulay na nagdudugtong sa sitio Nangka at bayan ng San Mateo. Ang tulay ay isang linya lamang, noong una mga karitela lamang ang dumadaan dito, hindi naglaon dinaanan na rin ng de makinang sasakyan tulad ng Pasay Transportation, Silver Star ,Halili Transit at mga trak ng bato. Kabilang sa mga nagtrabaho dito ay sina Tomas Adriano na taga- Parang at si Iko Santos na taga- Talanay. Taong 1973 natayo ang bagong tulay sa pamamahala ng DPWH. Pagkahukay ng pundasyon ng unang tulay kaya gumuho noong Junio 4, 1977 dahil sa pagsasalandra at agos ng tubig. Taong 1929 ang mga naninirahan dito ay binubuo lamang ng walong kabahayan o pamilya ang mga ito ay ang mag asawang Pascual at Angela Cruz, Vicente at Maria Adriano Cruz, Tomas at Candeng Francisco, Ayong at Isyon Hernandez, Ikong at Hinia Santos, Sotero at Jule Santos.


Sa lugar naman ng Balubad naninirahan si Cosep Adriano, sa gawi naman ng daang bakal naninirahan ang mag asawang Basyo at Sidra C.Leal. Taong 1931 nanirahan na din ang mag asawang Tonio at Cepa Leal, Imo at Ana Torres, Tomas at Juana Atanacio, Meliton at Maria Cruz, Cario at Ila Adriano, Ceto at Candeng Epetia, Hugo at Ines Adriano, Onofre at Betang Francisco sa Balubad at si Lelang Bistang Cruz. Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ito ay bahagi ng Bayan bayanan (Concepcion). Hulyo ng taong 1937 nang masalanta ang sitio ng Nangka dahil sa malaking baha, lumubog at napuno ng dagsa ang halos lahat ng nasasakupan nito kaya naghirap ang mga naninirahan dito sa pagkain. Nuong Setyembre 26, 2009 ng masalanta muli ng malaking baha ang buong nasasakupan ng kalakhang Maynila kasama ang baryo Nangka dahil sa bagyong Ondoy.

Nuong 1938 panahon ng Rural Progress Administration sa pamumuno ni Andres Paz ang malawak na lupain ng Nangka na pag aari ng pamilya Tuazon ay binili ng gobyerno at ipinamahagi sa maraming tao sa murang halaga. Dito na nagsimulang maglipatan ang mga mamamayan ng mga karatig sitio partikular sa Parang, Talanay, Balante at Sulok. Bago pa dumating ang Ikalawang Digmaang Pangdaigdig marami ng naninirahan sa Nangka kabilang na ang mag asawang Gabriel at Etang Urrutia ,Emilio at Tayang Manuel, Bino at Danday Cruz, Dandoy at Denang San Andres Atanacio, Moises at Hule Galarpe, Berto at Teresa Leal, Luciano at Tayang Santos, Vale at Eliza San Andres, Apeng at Milya Villanueva, Bito at Viring Villanueva, Damaso at Milya Villanueva ,Dionisio at Maria Domingo, Teban at Barbara San Andres, Loreto at Ines San Pascual, Luis at Cornelia Gonzales, Cilio at Ilos Cruz, Elacio at Tinay Cayetano, Francisco at Kinang Felix, Domingo Doromal, Justina Hernandez, Ureng Felix , Celedonio Andres, Ipe Felix ,Berto Cremen at Useng Cremen.

Panahon ng Ikalawang Digmaang Pangdaigdig ang mga naninirahan dito sa Nangka ay dumanas ng kahirapan katulad din ng ibang Marikeño dahilan sa kakulangan ng pagkain. Ang mga naninirahan dito ay napilitang lumikas pansamantala para sa kanilang kaligtasan . Pagkatapos ng digmaan nagdatingan na ang mga ibat - ibang mamamayan galing sa Parang,Talanay, Sulok at Ampid kabilang dito ang mag asawang Idyong at Hule Cayetano, Bilong at Menciang Cruz, Uweng at Tonia Palma, Julian at Pinang Reyes, Pitong at Itang Andres, Felino at Tayang Leal, Posto at Iska Fernando, Seferino at Binay San Andres,Amado at Olimpia Fernando, Villano at Entang Adriano, Herman at Dame Gonzales, Luis at Magdalena Grimaldo, Valintin at Beatres De Jesus, Islaw at Beatres Baes, Clemente at Piding Vicente, Cano at Laliang Fernando, Basyong at Carlota Felix, Undong at Payang Buenviaje, Belong at Sula Rivera, Pastor at Mileng de Jesus, Marciano de Dios, Asuncion Austria, Asiong Agapito at si Antonina Reyes.


Sila ay nanirahan sa Nangka, sa gawi naman ng Balubad nanirahan na rin sina Tayo at Tinay Cruz, Jesus at Kayang De la Paz, Asiong at Femia Mariano, Marciano at Dureng de la Cruz, Iniong at Hinia Ezperanza, Akyo at Conching de la Cruz, Gorio at Siling Andres, Pinoy at Sita Andres, Bining at Juleng Andres, Valas at Dolores Ragua, Basa at Kaleta Lontok, Akong at Tacing Gajudo, Asuncion Miranda. Aquilino Beltran, Berting Beltran, Leopoldo Baetiong, Juana Opeña, Poldo Gonzales at si Marciano (Dupong) Adriano, may mga nagdatingan ding galing sa Ilocos, Bicol, Pampanga at Visaya. Dito sila nanirahan partikular sa sitio Bagatan, Sampalukan at Daang Bakal.

Nuong panahon nang Ikalawang Digmaang Pangdaigdig marami sa mga taga - Nangka ang nakipaglaban sa mga mananakop na Hapones. Kabilang dito ay ang mga na “ Capas” o nakasama sa “ Death March” na sina Teofilo Santos, Pedro Leal , Pastor San Andres, at Alejandro Reyes, sila ay tinawag na USAFFE VETERANS.



Mayroon ding mga taga-Nangka na GUERILLA VETERANS ito ay sina Bonifacio (Pacio) Adriano, Fabian Villanueva, Tonio G. Francisco, Vale San Andres ,Ado San Andres, Done Epetia, Bito Villanueva at ang mag amang Vicente at Guillermo (Emong ) Adriano Cruz. Mayroon ding mga kababaihang taga- Nangka ang tumulong sa mga Guerilla sila ay sina Siding Torres at Marina Adriano.

Nuong gabi nang Abril, 1949 ang sitio ng Nangka ay pinuntahan ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan ( People’s Liberation Army) dating Hukbalahap upang humingi ng kaunting tulong tulad ng pagkain, pera, at damit sa mga taga - sitio.



MALAKING PAGBABAGO SA PANAHON NG P.R.R.M.

Sa panunungkulan ni Tininte Luis R. Grimaldo malaking pagbabago ang nangyari sa antas ng pamumuhay ng mga taga- Nangka, nang ito ay mapili ng Phil. Rural Reconstruction Movement (PRRM) isang “NGO” bilang pangunahing o unang proyekto (Pilot Project) sa buong Pilipinas, sa pamamahala ni Dr James Yen (Yen Yangchu) isang Chinese Scholar at pamumuno ni Josefina Sotto Corral kasama ang mga volunteers na kabataan na sina Nanding Pernito, Carding Dayrit, Jaime Cruz, Perla Esquerra, Francisco Velasco at Romy Bilao sinimulan ang gawain sa paniniwalang ang bansa ay mabubuo at uunlad kung magmumula sa kanayunan ang pagbabago.



Tinutukan o itinuro nila ang kahalagahan ng “ SARILING TULUNGAN NG MGA TAO” sa mga mamamayan ng Nangka at ang patuloy na pakikipaglaban sa kahirapan, sakit at kamangmangan ang naging hamon sa mga mamamayan ng Nangka. Tinuruan din nila ang mga taga baryo ng paghahabi at “handicraft”. Itinuro din nila sa mga taga baryo ang paggawa ng palikuran sa kani- kanilang pamamahay.


Nuong panahon din nang P.R.R.M. kinilala at binigyan ng parangal ang baryo ng Nangka dahil sa kalinisan at katahimikan (Model Barrio/Community). Panahon din ng P.R.R.M. nang magpatimpalak ng pinaka magandang bakuran at pananim sa kani- kanilang looban at ang pinalad na nagwagi ay sina Eladio Andres, Feliciano Ramos at Macario Cremen. Enero 25, 1958 ang pamamahay ni Celedonio Andres ay binigyan nang pagkilala bilang Model Home Award.


Natatag din ang “Nangka Women’s Club” sa panahon ng P.R.R.M. sa pamumuno ni Josefina Sotto Corral at Perla Esguerra. Ang mga miyembro nito ay sina Piding Vicente,Asuncion Austria, Luisa F. Santos, Andrea S. Cruz ,Lydia de Vera, Tayang Manuel, Magdalena SA Grimaldo, Pinang Reyes, Sela San Andres, Andrea Buenviaje at Menang B. Doromal.




ANG SIMBAHAN SA BARYO

Ang unang Bisita o Simbahan ng Nangka ay naitayo nuong 1946 sa lugar mismo ng Tanggapang Pangbarangay ngayon . Ito ay yari sa kahoy at pinagsapinsaping yero. Pinili nila ang San Isidro Labrador bilang patron o santo sa dahilang ang karamihan sa naninirahan dito ay magsasaka. Ang unang pamisa sa mahal na Patron San Isidro Labrador at bendisyon ng simbahan ay naganap noong ika ng 27 ng Pebrero taong 1947 sa pangunguna ni Emilio Manuel, ika – 15 ng Mayo nang taong ding iyon nagkaroon muli ng pamisa sa kaarawan ni San Isidro Labrador at ito ay sang - ayon sa tunay na pista ng Katoliko . Simula noon, dalawang pamisa ang isinasagawa alay sa mahal na patron , subalit ito ay hindi nagtagal naging ika – 15 ng Mayo ang permanenteng kapistahan. taong 1960 nalipat ang simbahan sa panulukan ng kalye Mirasol at Mabini.





Ito ay napaayos nuong ika – 15 ng Nobyembre , 1986 sa pamamahala ni Engr. Jose Cuevas at ni Ginoong Paterno Rivera. Nuong Mayo 15, 2003 pinasinayaan ang bagong tayong Simbahan sa lugar ng Greenland Subdivision.




ANG PAG-AARAL SA BARYO

Bago dumating ang taong 1940, ang Nangka ay walang sariling paaralan . Ang mga batang may wastong gulang na para makapag-aral ay pumapasok sa paaralan ng mga kalapit baryo o sitio katulad ng Bayan- bayanan at sa bayan ng San Mateo. Sa kagustuhang matuto rin ang mga matatanda sa Baryo, nag- aral sila sa ilalim ng pagtuturo ni Maestrong Metiong sa tahanan ni Eulalio Hernandez at dito binigyan ng karangalan si Bino Cruz bilang pinakamatalino sa klase.


Dumating ang panahon (1941) na ang mga bata dito ay may sapat na bilang na upang makabuo ng isang baitang, ginamit muli ang pamamahay ni Eulalio Hernandez bilang paaralan . Si Binibining Ester del Rosario ang pinakaunang guro dito sa Nangka. Pagkatapos ng ikalawang Digmaang Pangdaigdig binuksan muli ang tahanan ni Eulalio Hernandez upang maging paaralan. Ang mga naging guro noon ay sina Hector Reyes, Aurora Reyes, Esperanza Ballesteros, Carmen Lazaro at si Binibining Serquena. Hanggang ikaapat na baitang lamang ang pinakamataas na antas ng pagaaral dito sa Nangka, sa Mababang Paaralan ng Bayanbayanan (Concepcion) nagsisipag aral ang mga batang nasa ikalima at ikaanim na grado noon. Taong 1950 nakabili ang pamahalaan ng lupa para tayuan ng paaralan , ngunit sa kadahilanang kulang sa pondo hindi agad nakapagpatayo ng gusali kaya ang klase ay ginawa sa pama mahay ni Mantin Hernandez na nagsilbing pansamantalang lugar. Ang taong 1954 ay itunuring na malaking taon ng pagbabago sa kasaysayan ng edukasyon sa baryo ng Nangka , dahil dito natayo ang unang gusali na yari sa kahoy at ang bubong ay asbestos , sa ilalim ng pamamahala nang administrayon ni Pangulong Ramon Magsaysay.


Mula noon ang paaralan ay nagkaroon na ng unti-unting pagbabago lalo na nang matatag ang “Nangka Parents and Teachers Association.” Sa pagbubukas ng bagong paaralan si Presidente Ramon Magsaysay ang nanguna dito, nakipag-ugnayan sa kanya si Tininte Luis Grimaldo at sinabing sa lahat ng baryo ng Marikina bukod tanging ang Nangka lamang ang walang kuryente.


Sa lalong madaling panahon ipinaayos agad niya ang mabilisang pagpapakabit ng kuryente sa Baryo. Taong 1959, Si Ginoong Rodolfo de Guzman ang naging Punong Tagapamahala ng Paaralan. Siya rin ang pinakamatagal na nanungkulang Punong Guro sa Mababang Paaralan ng Nangka. Taong 2005 sa panunungkulan ni Kap. Philip C. Urrutia naitayo ang unang Mataas na Paaralan ng Nangka sa settlement area.


Disyembre 1954 sa pamamagitan ng pagpupunyagi nang Konsehong Pangbaryo at pakikipagtulungan ng P.R.R.M at sa utos na rin ni Presidente Ramon Magsaysay nagkaroon ng pasilidad para sa kuryente ang mga residente ng Nangka.



ANG PAGKAKATATAG NG SITIO NANGKA BILANG BARYO

Nuong ika – 21 ng Hunio, 1959, Sa pamamagitan nang Republic Act bilang 2601 pinagtibay nang magkasamang kapulungan ng Senado at Kongreso ng Pilipinas na gawing baryo ang sitio Nangka at kilalaning baryo ng Nangka na nasasakupan ng Munisipalidad ng Marikina at Probinsiya ng Rizal. Ika – 21 ng Hunio, 2005 ginanap ang unang “Barangay Day” sa ilalim ng pamamahala ni Kap. Philip C. Urrutia.




ANG TANGGAPANG PANGBARYO

Ang Tanggapang Pangbaryo ng Nangka ay naitayo noong 1960 sa pagsisikap at pagpupunyagi ng Konsehong Pangbaryo at ng Pamahalaang Pangbayan ng Marikina at Pamahalaang Pangprobinsiya ng Rizal . Ito ay pinamahalaan ng Pangbayan at Pangprobinsiyang bibliotekaryo. Sa panunungkulan ni Baryo Kap. Leonardo Manuel at Barangay Kap. Johnny Cruz nagkaroon ng mga pagbabago ang Tanggapang Pangbarangay.





Si Barangay Kap. Mairugin Santos ang nagpagawa ng ikalawang palapag ng “Barangay Hall”. Taong 2004 ipinaayos ni Barangay Kap. Philip C. Urrutia at sa tulong ng kanyang mga kagawad ang “Barangay Hall” at ito ay pinasinayaan nuong ika – 8 ng Nobyembre, 2004 dumalo noon sina Punong Lungsod Marides C. Fernando, Cong. Del R. De Guzman at Pangalawang Punong Lungsod Dr. Marion S. Andres. Nuong Julio, 2006 natayo ang bagong “Barangay Hall” sa kalye ng lumang J. P. Rizal sa panunungkulan ni Kap. Philip C. Urrutia at sa tulong ni Cong. Del R. De Guzman.



ANG AKLATANG PANGBARYO

Ang Pangbaryong Aklatan ay naitatag at naitayo noong Setyembre 1964, ito ay nagsimula na mayroong 200 libro na hiniram sa Aklatang Pangbayan ng Marikina at ang iba naman ay galing sa donasyon ng “ Marikina Jaycees.” Si Paterno D. Rivera ang namahala dito.



Nuong 1966 nagkaroong muli ng malaking pagbabago sa Baryo nang masemento ang sentro ng Nangka sa pamamahala ni Kapitan Cecilio C. Leal at administrasyon ng Punong Pangbayan na si Alkalde Osmundo de Guzman. Taong 1988 sa panunungkulan ni Kap. Placido De Vera ng masemento ang kalye Mirasol. Taong 2003 ng maayos ang mga bangketa sa buong Nangka sa pamamahala ni Kap. Philip C, Urrutia at sa administrasyon ng Punong Lungsod Marides C. Fernando.


Taong 1969 naitayo rin ang “Nangka Puericulture Center”, ito ay itinayo sa likod nang Tanggapang Pangbarangay. Natayo ito sa pagsisikap ng Nangka Womens Club at sa pamamahala ni Ginang Adelina Rodriquez, dito dinadala ang mga may sakit na taga baryo upang magpakunsulta at malapatan ng kaukulang gamot.




ANG PAMAMAHALA SA BARYO

Simula nang maitatag ang baryo ng Nangka hanggang pagkatapos nang Ikalawang Digmaang Pangdaigdig ang pamamahala ng katahimikan sa baryo ay pinangungunahan ng Tiniente del Baryo, ito ay pinili o itinalaga ng Pamahalaang Pangbayan ng Marikina. Ang mga sumusunod ay nanungkulan bilang Tinientes del Barrio ng Nangka , Tomas A. Francisco (1929-1931), Eulalio L. Hernandez (1931 – 1945), Gabriel D.Urrutia (1945 – 1949),Domingo S. Doromal (1949 – 1952) at Luciano A. Santos (1952 – 1954). Nuong ika – 30 ng Hulyo, 1941 natalaga din si Luciano A. Santos bilang pulis para sa kaayusan ng trapiko, pinagtibay ito ni Alkalde Juan Chanyungco at ni Gobernador Eulogio Rodriguez Jr.


Nuong 1954 nagkaroon ng halalan para sa Tiniente del Barrio at miyembro ng konseho. Ang pinalad na mahalal ay si Luis Grimaldo, siya ang unang nahalal na Tiniente del Barrio. Kasama sina Cecilio C. Leal bilang Bise Tiniente del Barrio para sa Nangka, si Sotero R. Ramos para sa Balubad at si Rogelio T. Tayo para sa Daang Bakal, kasama rin sina Ricardo F. Santos, Paterno D. Rivera, Lope D. Fernando at Ernesto Cremen bilang miyembro ng Konseho.


Sa halalan noong 1963 , hinalal ng mga taga - Nangka si Cecilio C. Leal bilang Kapitan ng Baryo, kasama sina Lope D. Fernando, Severino S. Mariano, Ernesto C. Cremen, Alfonso D. Gabi, Leopoldo C. Baetiong at Candido C.Vergara bilang miyembro ng Konseho. Muling nahalal si Cecilio C. Leal bilang Kapitan ng Baryo noong 1967 at nanungkulan hanggang 1971, kasama sina Alfonso D. Gabi, Lope D. Fernando, Ernesto C. Cremen, Nemesio S. Santos, Vivencio A. Santos at Ernesto M.Reyes bilang konsehal. Nahahal din si Cecilio C. Leal bilang Chairman ng lahat nang Kapitan ng Baryo sa buong Marikina.


Si Leonardo Manuel ang sumunod kay Cecilio C.Leal bilang Kapitan ng Baryo , siya ay nanungkulan simula noong 1972 hanggang 1982. Siya ang pinakamatagal na nanungkulan bilang Kapitan ng Baryo. Kasama sina Celedonio A. Andres, Artemio E. Velasquez, Placido S. de Vera, Ernesto C. Cremen, Lope D. Fernando, at Romy U. San Andres bilang konsehal. Nasabay ang kanilang panunungkulan sa panahon ng Batas Militar na nagsimula noong ika – 21 ng Setyembre taong 1972 hanggang 1980. Walang naganap na halalan sa pagitan ng taong 1975 hanggang 1981.

Nahalal si Johnny S. Cruz bilang Kapitan ng Barangay nuong 1982 at nanungkulan hanggang 1986. Isa siyang negosyante at isa ring musikero, dati rin siyang Presidente ng Magnificent Youth Club. Sa kanyang panunungkulan naging Presidente din siya ng Association of Barangay Captain sa buong Marikina. Kasama sila Philip C. Urrutia, Luisito SA. Grimaldo, Dorotea F. Reyes, Freddie L. Cruz, Romy Fereras at Justino T. Francisco bilang konsehal. Sa panahon ng kanilang panunungkulan naganap ang Edsa Revolution o ang People’s Power 1. Nanungkulan din si Dionisio A. Epetia bilang "OIC"Barangay Captain pagkatapos ng People's Power 1.

Si Placido S. de Vera ay nahalal din bilang Kapitan ng Barangay noong Mayo, 1988 at nanungkulan hanggang Mayo, 1994. Kasama sila Ernesto C. Cerezo, Alberto F. Cruz, Mairugin G. Santos, Roman G. Adriano at Aurora Transe bilang mga konsehal.


Nahalal din si Mairugin G. Santos bilang Kapitan ng Barangay noong Mayo, 1994 at nanungkulan hanggang Mayo, 1997. Kasama niya sila Cely P. Villanueva, Randy G. Leal, Ernesto C. Cerezo, Domingo Gonzales, Benito C. Andres, Gregorio F. Fernando at Herminigildo V. Albania bilang miyembro ng Konseho. Kumandidato muli si Mairugin Santos noong halalan ng Mayo, 1997 at pinalad na naluklok muli bilang Kapitan, kasama ang mga konsehal na sila Randy G. Leal, Cely P. Villanueva, Apolonio G. Pangyarihan, Eric de los Reyes, Crisanto C. Urrutia, Herminigildo V. Albania, at Ernesto C. Cerezo. Nanungkulan din si Randy G. Leal bilang Kapitan ng Barangay noong Abril, 2002 hanggang Mayo, 2002.



Isang propesor ang nahalal na Kapitan ng Barangay noong Mayo, 2002. Siya ay si Philip C. Urrutia dating unang Konsehal ng Barangay at apo ng dating Tiniente del Barrio na si Gabriel D. Urrutia. Kasama niyang nahalal bilang konsehal ay sina Jaime G. Cruz Jr., , Crisanto C. Urrutia, Celso (Orong) R. de las Armas, Eric C. de los Reyes, Cely P. Villanueva, Ariel Cuaresma at si Col. Perfecto Datu. Hulyo 13, 2007 nahalal si Barangay Kap. Philip C. Urrutia bilang Presidente ng Liga ng mga Kapitan ng Barangay sa buong Marikina at nanumpa noong ika– 16 ng Hulyo taong, 2007. Nahalal muli si Philip C . Urrutia bilang Kapitan ng Barangay noong Octobre, 2007 kasama muli bilang kagawad sila Celso R. de las Armas, Jaime G. Cruz Jr., Eric C. de los Reyes, Ariel Cuaresma, Crisanto C. Urrutia, Col. Perfecto Datu at Marlon Mejia.

Nahalal si Randy G. Leal noong Octobre 25, 2010 bilang bagong Kapitan ng Barangay kasama sila Celso R. de las Armas, Marlon Mejia, Valentin C. Palma, Jaime G. Cruz Jr., Apolonio Pangyarihan, Francesca Natividad at Herminigildo V. Albania bilang mga Kagawad.




KABATAANG BARANGAY/SANGGUNIANG KABATAAN

Ang mga nanungkulang K. B.Chairman ay sina Anicia S.Leal( 1975 – 1978). Nicanor F. Reyes ( 1978 – 1982 ), Valentin C.Palma Jr. ( 1982 – 1984 ), Ernesto C. de los Reyes (1984 – 1986), S. K. Chairman Jaime G. Cruz Jr. ( 1992 – 1996 ), Maricel M. Llanzana( 1996 – 2002), Ronald F. Fernando(2002 – 2007), Katya Natividad (2007-2010).



DOMOGRAPIYA

Ang bilang ng mga naninirahan dito sa Barangay noong 2009 ay bumibilang ng 36,372 at ito ay binubuo ng 11,114 na kabahayan o pamilya. Ang mga mamamayan dito sa Barangay ay binubuo ng ibat ibang relihiyon o denaminasyon 70 porsiento ang Katoliko, 15 porsiento ang Iglesia ni Cristo, 10 porsiento ang Protestante at 5 porsiento ang ibang relihiyon.



PINAGSALIKSIKAN:

1.History of the Filipino People by Teodoro Agoncillo

2.Website of The Birth of Philippine Army

3.Website of Philippine Rural Reconstruction Movement – Community Habitat Issue #10 A Look at Barrio Life and Volunteer’s and Pioneer’s

4.National Census and Statistics Office

5.LAWS and RESOLUTIONS ( Passed during the second session of the Fourth Congress ,Republic of the Philippines, covering the period from January 26, to May 21, 1959 and during special session from June, 1 to July 4, 1959 respectively.)

6.Compendium of Barangay ( Socio Economic Profile, cy 2000)

7.Clippings of Marikina Library

8.Website of Marikina City.

9.National Library



Pasasalamat/Pagkilala:

1.Barrio Captain Cecilio C. Leal

2.Ginoong Pablo G. Francisco

3.Ginang Pacita Villanueva

4.Ginang Maria A. Cruz

5.Ginoong Guillermo A. Cruz

6.Kgd. Celedonio Andres

7.Kgd. Paterno Rivera